CAUAYAN CITY – Tuluyan nang naipasa ng panlunsod na Konseho ng Cauayan ang Anti-COVID-19 Discrimination Ordinance upang mapangalagaan ang kapakanan at karapatan ng mga frontliners.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlunsod Member Atty. Paul Mauricio, proponent ng Anti- COVID-19 Discrimination Ordinance, sinabi niya na matapos hilingin ng punong lunsod na magpasa ng ordinansa na magpoprotekta hindi lamang sa mga frontliners kundi maging ng mga person infected, mga Person Under Investigation (PUI) at Person Under Monitoring (PUM) ay isinulong niya ang nasabing ordinansa.
Sinabi ni Atty. Mauricio na naisipan nilang ipasang urgent ang nasabing ordinansa makaraang mayroong frontliner sa Quezon na binaril ang isang tsuper ng ambulansiya habang ang ilang mga PUI at PUM ay nakakatanggap ng hindi patas na pagtrato.
Ipinasa anya ang ordinansa upang ma-protektahan ang mga nasabing indibidwal.
Sinumang lalabag sa nasabing ordinansa ay magbabayad ng multa na P5,000 o pagkakakulong ng anim na buwan depende sa kapasyahan ng hukuman.
Sinumang mamamayan na kasama sa mga frontliner, PUI, PUM at person infected na nakaranas ng diskriminasyon ay maaaring magsumbong sa mga otoridad.











