--Ads--

‎Pinagbabaklas at tinanggal ng ilang barangay sa lungsod ng Santiago ang mga pangalan at tarpaulin ng mga opisyal bilang bahagi ng agarang pagpapatupad ng anti-epal directive ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

‎Ayon sa ulat, sinimulan ng Barangay Calao East, sa pangunguna ni Punong Barangay Dennis Cardenas, ang pagbura ng mga nakapintang pangalan sa barangay hall at pagbabaklas ng mga tarpaulin na may kaugnayan sa mga opisyal.

‎Ipinabatid ng pamunuan na bahagi ang hakbang upang matiyak na walang elementong politikal sa mga pampublikong gusali at pasilidad, bilang pagsunod sa kautusan ng DILG na nagbabawal sa paglalagay ng pangalan, larawan, at iba pang personal na pagkakakilanlan ng mga opisyal sa mga proyektong pinondohan ng pondo ng bayan.

‎Nabatid na nagsimula ang operasyon noong Pebrero at isinailalim sa repainting ang ilang bahagi ng gusali upang tuluyang mabura ang mga pangalan.

‎Idinagdag ng pamunuan na pinalawig din ang pagtanggal sa iba pang pasilidad, kabilang ang ilang paaralan sa nasasakupan ng barangay.

‎Ayon sa kanila, layunin ng hakbang na wakasan ang epal culture sa barangay at ipakita ang malinaw na paghihiwalay ng serbisyo publiko at pamumulitika.

‎Dagdag pa ng pamunuan, patuloy ang inspeksyon upang matiyak na ganap na maipatupad ang direktiba at tuluyang mawala ang anumang political branding sa nasasakupan.

‎Binanggit din ng pamunuan na maaaring maharap sa kaukulang pananagutang administratibo o kriminal ang sinumang lalabag sa direktiba alinsunod sa patakaran ng DILG.