--Ads--

Nangako si dating Senate Sergeant-at-Arms Chief Mao Aplasca na kukuwestyunin at lalabanan ang desisyon ng Office of the Ombudsman na nagpataw sa kanya ng parusang dismissal kaugnay ng insidente ng putukan sa Senado noong Mayo 13, 2026.

Ayon kay Aplasca, nabigo umano ang Ombudsman na isaalang-alang ang lahat ng ebidensyang kanilang isinumite bago ilabas ang desisyon na nagkasala siya ng grave misconduct at gross neglect of duty.

Iginiit ng dating opisyal na ginawa lamang nila ng kanyang grupo ang kanilang tungkulin na protektahan ang Senado, mga senador, empleyado at mga bisita laban sa mga armadong indibidwal na umano’y pumasok sa loob ng kanilang nasasakupan.

Pinuri rin niya ang kanyang mga tauhan dahil sa matagumpay na pagtugon sa umano’y banta sa seguridad nang walang nasawi sa operasyon.

--Ads--

Ayon pa kay Aplasca, sa kanyang pagkakaalala sa insidente, hindi sumunod ang isa sa mga umano’y armado nang utusang tumigil at sa halip ay itinutok pa umano ang baril sa mga security personnel na nakatalaga sa lugar.

Sinabi niyang sa kanyang mahabang karanasan sa serbisyo, may mga pagkakataong nauna nang nagpaputok ang mga armadong suspek na nagresulta sa pagkamatay ng ilan niyang tauhan, dahilan upang seryosohin nila ang anumang banta sa seguridad.

Inakusahan din niya ang National Bureau of Investigation o NBI ng kakulangan sa koordinasyon bago ang pagpasok ng kanilang mga tauhan sa Senado at iginiit na itinanggi pa umano ng pamunuan ng ahensya ang presensya ng mga ito sa gusali.

Bukod dito, kinuwestiyon ni Aplasca ang paliwanag ng NBI hinggil sa kanilang pakay sa lugar at sinabing hindi umano kapani-paniwala ang ilan sa mga naging dahilan na ibinigay ng ahensya.

Pinuna rin niya ang naging presentasyon ng Department of the Interior and Local Government o DILG kaugnay ng insidente, dahil piling bahagi lamang umano ng video footage ang ipinakita at hindi ang kabuuang pangyayari.

Sa kabila ng naging pasya ng Ombudsman, tiniyak ni Aplasca na ihahain niya ang mga nararapat na hakbang sa tamang forum upang kuwestiyunin ang desisyon laban sa kanya.