Matagumpay na naaresto ang isang armadong holdaper sa isinagawang hot pursuit operation ng mga operatiba, ilang minuto lamang matapos mangholdap ng dalawang biktima sa Barangay Arellano, Quezon, Isabela.
Ayon sa ulat ng Quezon Municipal Police Station (MPS), ang mga biktimang sina alias “Mary”, 43 taong gulang, at alias “Jose”, isang Pakistani national, ay bumaba mula sa kanilang sasakyan upang bumili ng mobile phone load nang biglang lapitan ng suspek na bumunot ng baril saka idineklara ang holdap.
Tinangay ng suspek ang bag ng biktima na naglalaman ng mga alahas, pitong libong (7,000) Dirham, dalawang Pakistani passports, at isang National Driver’s License bago tumakas.
Kaagad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang Quezon Municipal Police Station katuwang ang Mallig Police Station, PIU, IPPO, 3rd Platoon, 1st IPMFC, 201st Coy, at RMFB2. Dakong 5:15 ng hapon, matagumpay na naaresto ang suspek na nakilalang si alias “Edmar”, 36-anyos, residente ng Tabuk City, Kalinga.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang itim na backpack, iba’t ibang damit at gamot, cellphone charger, mga bull cap, tatlong passport, isang pares ng hikaw, isang gold bracelet, isang steel time bracelet, at isang unit ng Hyundai Accent na kulay itim na may plakang VIY 658.
Ang pinaghihinalaang marijuana at baril ay isinailalim sa pagsusuri ng Soco Roxas–Mallig Plains Satellite Forensic Office.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Quezon Police Station ang suspek at sasampahan ng kaukulang kaso.











