Dalawang beses umanong sinubukan ni Arnel Pineda na magpaalam sa iconic rock band na Journey bago ang kanilang kasalukuyang farewell tour, ngunit hindi siya pinayagan ng kanyang mga kagrupo.
Naka-iskedyul na ang banda para sa 60 concert dates sa U.S. ngayong 2026, at may karagdagang 40 dates sa susunod na taon. Subalit labag ito sa kagustuhan ni Arnel, na nais munang ipahinga ang sarili dahil sa personal na problema.
Ibinunyag ng singer na simula pa noong 2025 ay nagpaalam na siya sa bandmates na sina Neal Schon at Jonathan Cain tungkol sa kanyang sitwasyon, at humiling na i-update siya tungkol sa petsa ng farewell tour dahil lumalala ang kanyang personal issues.
Si Schon ang lead guitarist at si Cain ang keyboardist ng Journey. Napili si Arnel bilang vocalist ng banda noong 2007, matapos magpaalam ang dating singer na si Steve Perry noong 1998.
Hindi naging madali para kay Arnel ang pagiging frontman ng banda sa loob ng 19 taon, dahil naapektuhan nito ang kanyang boses at pati na rin ang kanyang relasyon sa asawa. Ang kanyang personal na isyu ay may kinalaman sa kanilang diborsiyo sa dating asawa, kung saan inakusahan niya ang asawa ng adultery, habang inakusahan naman siya ni Cherry ng pambababae at psychological violence.
Bagama’t patuloy ang farewell tour ng Journey, aminado si Arnel na hindi siya masaya sa iskedyul ng concerts at nahihirapan na rin siya sa malamig na panahon dahil sa pagbabago ng kanyang katawan.





