Nagtalaga na ng partikular na mga mambabatas ang House of Representatives prosecution team na hahawak sa iba’t ibang artikulo ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Gerville Luistro, chairperson ng House Committee on Justice, siya ang mangunguna sa paghawak ng Article I na may kaugnayan sa isyu ng confidential funds.
Samantala, si Terry Ridon ang hahawak sa Article II na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth, habang si Joel Chua naman ang mamumuno sa Article III na may kaugnayan sa bribery.
Itinalaga rin si Lorenz Defensor upang pangunahan ang Article IV na tumatalakay sa umano’y death threats laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Samantala, itinalaga naman sina Renee Co at House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong bilang mga tagapagsalita ng prosecution panel sa paglilitis.
Pinuri naman ni Luistro ang naging hakbang ng Senado sa pagko-convene bilang impeachment court ngunit iginiit nitong hindi lamang ang convening ang dapat na “forthwith” kundi maging ang mismong paglilitis.
Ayon pa kay Luistro, inaasahan nilang agad na masusundan ng presentasyon ng mga testigo at ebidensya ang pre-trial proceedings hanggang sa paglalabas ng desisyon ng impeachment court.
Tiniyak din ng prosecution team na handa na silang simulan ang impeachment trial laban sa Bise Presidente.











