Muling pinatunayan ni Aryna Sabalenka, World No. 1 at defending champion, ang kanyang lakas matapos talunin ang second-ranked rival na si Elena Rybakina sa score na 6-4, 6-3 nitong Huwebes.
Dahil dito, nakapasok siya sa finals ng Miami Open kung saan makakaharap niya ang American star na si Coco Gauff.
Si Sabalenka, na natalo kay Rybakina sa Australian Open final ngunit bumawi sa Indian Wells title match ngayong buwan, ay dalawang beses na nakabreak sa serve ng Kazakh player sa bawat set. Nagpakita rin siya ng matibay na service na may siyam na aces, kabilang ang apat na sunod-sunod sa unang set.
Samantala, sa men’s division, umabante rin si Jannik Sinner, World No. 2, matapos dominahin ang American na si Frances Tiafoe sa score na 6-2, 6-2. Sa loob lamang ng 71 minuto, nakapasok si Sinner sa semifinals kung saan makakaharap niya ang fourth-ranked German na si Alexander Zverev, na mabilis namang tinalo si Francisco Cerundolo ng Argentina, 6-1, 6-2.
Ang panalo nina Sabalenka at Sinner ay nagbubukas ng posibilidad na parehong makamit ng ATP at WTA ang tinatawag na “Sunshine Double” — panalo sa Indian Wells at Miami sa parehong taon. Huling nangyari ito noong 2016, nang magtagumpay sina Novak Djokovic at Victoria Azarenka.










