Naaksidente ang direktor na si FM Reyes matapos mabagsakan ng grinder ang kanyang kamay noong Hulyo 20, ayon sa ibinahagi ng kanyang asawang aktres na si Rita Avila.
Sa Facebook post ni Rita nitong Miyerkules, sinabi niyang nasa promotional event siya para sa kanilang nalalapit na seryeng “Someone, Someday” nang mangyari ang insidente.
Ayon sa aktres, nagtamo ng pinsala sa bahagi ng wrist ang direktor at agad itong isinugod sa ospital. Sumailalim siya sa operasyon at kasalukuyan nang nagpapagaling.
Ibinahagi rin ni Rita na labis ang kanyang pag-aalala habang nasa event ngunit pinili niyang tapusin ang kanyang mga obligasyon bago magtungo sa ospital upang samahan ang asawa.
Samantala, maraming netizens ang nagpaabot ng panalangin at mensahe ng suporta para sa mabilis na paggaling ni FM Reyes.





