--Ads--

Nakatakdang magsampa ng kasong kriminal si Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, laban sa ilang opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Anti-Money Laundering Council (AMLC), at ilang miyembro ng Kamara sa Quezon City Prosecutor’s Office bukas, araw ng Lunes.

Ayon sa ulat, isasama sa reklamo sina BSP Governor Eli Remolona Jr., AMLC Executive Director Ronel Buenaventura, at mga kinatawan na sina Batangas Rep. Gerville Luistro, Akbayan Party-list Reps. Percival Cendaña at Chel Diokno, at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila De Lima.

Inihain ang reklamo dahil sa umano’y sabwatan ng mga respondent sa iligal na pagbubunyag ng sensitibong impormasyon at banking records na protektado umano ng Anti-Money Laundering Act (RA 9160), Bank Secrecy Law (RA 1405), at Data Privacy Act (RA 10173).

Sa reklamo, iginiit na may paglabag umano sa pagbubunyag ng mga detalye ng transaksyon kabilang ang insurance payments, time deposits, investments, at utility bill payments.

--Ads--

Nag-ugat ang usapin matapos ihayag ng AMLC sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte na nakatanggap ito ng ulat ng “suspicious” at “covered” transactions na umaabot sa P6.77 bilyon na iniugnay kina Duterte at Carpio sa loob ng halos dalawang dekada.

Ayon sa AMLC, P4.425 bilyon ang pumasok sa kanilang mga account habang P1.554 bilyon naman ang lumabas, at may P791 milyon na hindi matukoy kung pumasok o lumabas dahil sa limitasyon ng lumang sistema ng ahensya.

Itinuturing na “suspicious” ang transaksyon kung hindi maipaliwanag ang pinagmulan ng pera o hindi tugma sa kapasidad ng kliyente, habang “covered transaction” naman kung lampas P500,000 ang halaga sa loob ng isang banking day.

Para kay Carpio, ang mga banking record ay mahigpit na protektado ng batas at hindi dapat isapubliko, at iginiit niyang ang ginawa umano ng mga respondent ay paglabag sa confidentiality rules. Aniya, ang kaso ay hindi lamang para sa kanyang pamilya kundi para rin sa integridad ng banking system at proteksyon ng publiko.

Samantala, mariing itinanggi ni Rep. Leila De Lima na may nalabag na batas ang Kamara, at iginiit na ang impeachment proceedings ay hindi saklaw ng Bank Secrecy Law. Ayon sa kanya, ang paglalabas ng impormasyon ay bahagi lamang ng proseso ng pananagutan sa ilalim ng impeachment mechanism.

Sinabi rin ni Rep. Percival Cendaña na pinahihintulutan ng batas ang ganitong uri ng imbestigasyon sa ilalim ng impeachment proceedings, at hinimok ang kampo ni Duterte na humarap na lamang sa pagdinig ng komite sa Abril 29 upang maipaliwanag ang kanilang panig.

Tinawag naman ni Carpio na “black propaganda” at political harassment ang ginawang paglalabas ng umano’y impormasyon ng AMLC at Kamara, at iginiit na ito ay may layuning sirain ang reputasyon ng pamilya Duterte sa gitna ng usaping pulitikal at nalalapit na halalan sa 2028.