Pinag-aaralan ng House prosecution panel ang posibilidad na ipatawag si Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, upang tumestigo sa impeachment trial ng bise presidente.
Ayon kay prosecution counsel at legal spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr., bagama’t wala sa witness list ng prosecution si Carpio, maaari pa rin umano siyang ipatawag dahil may general reservation ang panel para sa mga karagdagang testigo.
Sinabi ni Tolosa na patuloy nilang sinusuri kung kinakailangan ang testimonya ni Carpio sa paglilitis.
Kaugnay nito, sinabi ng abogado na kailangan lamang bigyan ng sapat na abiso ang depensa at ang impeachment court bago magharap ng karagdagang testigo upang magkaroon sila ng sapat na panahon para maghanda.
Nauna nang nakakuha ang prosecution ng mga financial, bank at corporate records nina Duterte at Carpio, kabilang ang mga dokumento ng mga kumpanyang konektado sa kanila, bilang bahagi ng ebidensyang gagamitin sa alegasyon ng unexplained wealth.
Gayunman, maaaring maging usapin ang spousal privilege sakaling ipatawag si Carpio bilang testigo.
Ayon kay Tolosa, may proteksyon sa ilalim ng batas para sa komunikasyon at testimonya sa pagitan ng mag-asawa, ngunit mayroon din itong mga limitasyon at rekisito.
Samantala, magkahiwalay na proteksyon ang itinatadhana ng Rules on Evidence para sa spousal testimony at confidential marital communications.











