Nagpakita ng maayos na samahan sina private prosecutor Atty. Lorna Kapunan at defense counsel Atty. Kristine Ferrer bago magsimula ang ika-16 na araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ilang araw matapos ang kanilang mainitang palitan sa pagdinig.
Bago ang pagpapatuloy ng paglilitis nitong Lunes, lumapit si Kapunan sa hanay ng defense panel at niyakap si Ferrer. Nakita ring nakangiti si Ferrer habang nag-uusap ang dalawa.
Niyakap din ni Kapunan si defense team spokesperson Atty. Michael Poa.
Ayon kay Kapunan, pinayuhan niya si Ferrer na huwag masyadong tingnan ang mga komento sa social media dahil maaaring makasakit ang ilang pahayag doon.
Samantala, kinumpirma naman ni Ferrer na maayos ang kanilang relasyon at itinuring pa niyang parang ina si Kapunan.
Matatandaang nagkaroon ng mainitang palitan ang dalawang abogado noong nakaraang linggo kaugnay ng mga limitasyon sa cross-examination habang dinidinig ang impeachment case laban kay Vice President Duterte.
Dahil dito, namagitan si Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero at hinikayat ang magkabilang panig na pairalin ang paggalang at propesyonalismo sa mga pagdinig.










