Iginiit ni Vice President Sara Duterte spokesperson at legal counsel Atty. Paolo Panelo na mahalagang sundin ng mga senator-judge ang paalala ni Senate Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na panatilihin ang maayos at makatarungang pagtrato sa mga testigo sa impeachment trial.
Ayon kay Panelo, maaaring maging dahilan ng paghiling ng inhibition sa isang regular na hukuman ang hindi angkop na paraan ng pagtatanong o umano’y pamamahiya sa mga testigo, dahil maaari itong magpahiwatig ng pagkiling sa isang panig.
Dahil dito, pinayuhan niya ang mga senator-judge na huwag magpahayag ng personal na legal na pananaw sa gitna ng pagtatanong at tiyaking mananatili silang walang kinikilingan sa paglilitis.
Sa kabila nito, nananatiling tiwala ang kampo ni Duterte sa kanilang depensa. Sinabi ni Panelo na naipaliwanag na ng kanilang mga testigo ang mga isyu kaugnay ng umano’y hindi idineklarang mga ari-arian, salary differential mula sa Davao City, at investment sa GenCorp.
Nilinaw din niya na naipakita ng depensa ang konteksto ng mga credit card transaction ng bise presidente sa ibang bansa, kabilang ang mga gastusin para sa group dinner at suporta sa isang children’s basketball team. Kaya iginiit niyang hindi ito sapat na batayan upang sabihing namuhay nang labis sa karangyaan ang bise presidente.
Samantala, hindi pa rin tiyak kung personal na haharap bilang testigo si Duterte, dahil nakasalalay pa ito sa magiging pagsusuri ng defense panel sa kabuuang ebidensiyang ihaharap sa impeachment trial.











