Iginiit ni dating Department of Education (DepEd) Chief of Staff at Undersecretary Michael Poa na wala siyang naging partisipasyon sa paghawak ng confidential funds ng ahensya sa panahon ni Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng edukasyon.
Sa ika-21 araw ng impeachment trial ni Duterte, sinabi ni Poa na malinaw sa mga dokumento na ang responsibilidad sa paghawak ng confidential funds ay nakatalaga sa special disbursing officer at security officer ng ahensya.
Ayon kay Poa, bagama’t nauunawaan niya ang pagdududa ng ilan dahil nagsilbi siyang chief of staff, ipinaliwanag niyang “highly compartmentalized” umano ang sistema ng pamamahala ni Duterte kung saan nakatuon lamang ang bawat opisyal sa mga tungkuling nakatalaga sa kanila.
Dagdag pa niya, nagsimula na ang paggamit ng confidential funds sa DepEd bago pa man siya maupo bilang chief of staff.
Sa pagtatanong ni Senator-Judge Imee Marcos, muling kinumpirma ni Poa na hindi bahagi ng kanyang trabaho ang pangangasiwa sa confidential funds kahit siya ang chief of staff ng kalihim.
Inihayag din ni Poa na noon lamang 2024 niya nalaman ang tungkol kay Col. Dennis Nolasco, na umano’y tumanggap ng confidential funds mula kay dating Special Disbursing Officer Edward Fajarda.
Aniya, hindi niya personal na nakilala o nakasalamuha si Nolasco sa panahon ng kanyang panunungkulan sa DepEd, ngunit kilala niya si Col. Raymund Lachica bilang commander ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG).
Matatandaang sinabi ni Fajarda sa pagdinig ng Kamara noong 2024 na lingguhan siyang naglalabas ng P4 milyon hanggang P6 milyong confidential funds para sa isang security officer na itinalaga ng isang opisyal ng VPSPG.
Samantala, ayon sa Commission on Audit, posibleng lumabag sa umiiral na mga patakaran sa paggamit ng confidential at intelligence funds ang naturang proseso ng paglalabas at pag-disburse ng pondo.











