Inaprubahan ng House of Representatives ang isang panukalang batas na layong protektahan ang mga consumer laban sa matagal na internet at telco service interruptions sa pamamagitan ng pagbibigay ng awtomatikong refund sa mga apektadong subscriber.
Sa plenary session noong Lunes, nagkaisa ang 271 mambabatas sa pag-apruba sa ikatlo at huling pagbasa ng House Bill No. 178, na mag-o-obliga sa mga Internet Service Provider (ISP) at Public Telecommunications Entities (PTE) na ibalik o ibawas sa bill ng customer ang bayad para sa serbisyong hindi nila nagamit.
Sa ilalim ng panukala, ang mga subscriber na makakaranas ng internet outage o service interruption na tumagal ng hindi bababa sa 24 oras sa loob ng isang buwan ay awtomatikong makakatanggap ng pro-rated refund o bill adjustment. Hindi na kakailanganing maghain ng reklamo o request ang consumer upang maipatupad ito, maliban na lamang kung may pagtatalo sa halaga ng refund.
Hindi saklaw ng refund ang mga interruption na dulot ng network maintenance—kapag may naka-iskedyul o inaayos na sistema ang telco o ISP; fortuitous events tulad ng bagyo, lindol, baha, sunog, o iba pang kalamidad; sanhi ng third party tulad ng naputol na kable dahil sa construction o aksidente at mismong subscriber, gaya ng maling pagkakabit ng kable, o hindi nabayarang bill.
Naglatag din ang panukala ng mahigpit na parusa laban sa mga telco at ISP na hindi susunod sa batas. Maaari silang pagmultahin ng ₱50,000 hanggang ₱200,000 sa bawat paglabag, at sa mga paulit-ulit na kaso, posibleng kanselahin ang kanilang lisensya o prangkisa, kasama ang pag-waive ng pre-termination fees at agarang pagbabalik ng anumang natitirang credits ng mga apektadong subscriber.
Samantala, hiwalay ding inaprubahan ng Kamara ang House Bill No. 22, na naglalayong gawing mas mura at mas abot-kaya ang internet sa bansa sa pamamagitan ng pagpapatupad ng zero spectrum user fee policy para sa ilang Wi-Fi frequencies na ginagamit ng mga telco.











