Pormal nang itinalaga si PLtCol Avelino D. Canceran Jr. bilang bagong hepe ng Cauayan Component City Police Station sa isinagawang turn-over ceremony ngayong hapon, Agosto 27, 2025.
Nagsilbing panauhing pandangal sa seremonya si Cauayan City Mayor Hon. Caesar S. Dy Jr., kasama sina City Vice Mayor Benjamin J. Dy III, District 6 Board Member Arco Meris at mga kinatawan ng lokal na pamahalaan bilang patunay ng kanilang suporta sa layunin ng PNP na mapanatili ang isang ligtas at maayos na Lungsod ng Cauayan.
Sa seremonya, pormal na ipinasa ni PLtCol Ernesto Nebalasca Jr., outgoing Chief of Police, ang pamumuno kay PLtCol Canceran bilang bagong Officer-in-Charge ng Cauayan City Police Station.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni PLtCol Nebalasca ang suporta ni Mayor Dy at ng lokal na pamahalaan, gayundin ang pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya at ang dedikasyon ng Bamboo Cops sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lungsod.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Mayor Dy kay PLtCol Nebalasca para sa kanyang dedikasyon at serbisyo sa bayan, at ipinahayag ang buong tiwala sa kakayahan ni PLtCol Canceran na ipagpatuloy ang misyon ng PNP sa pagtataguyod ng kapayapaan, kaayusan, at seguridad ng komunidad sa tulong ng mas matibay na ugnayan sa mga Cauayeño.
Malugod namang tinanggap ni PLtCol Canceran ang kanyang bagong tungkulin at nangakong lalo pang paiigtingin ang mga adbokasiya ng PNP tungo sa isang mapayapa at maunlad na Bagong Pilipinas.











