Nakatakda na sanang magtungo sa Maynila kagabi para sa oathtaking ceremony ang isang bagong pasa na Civil Engineer ngunit nasawi na ito sa aksidente sa San Mateo Isabela.
Nasugatan din sa aksidente ang dalawa nitong kasamahan sa nangyaring self-imposed accident sa Barangay Daramuangan Sur, San Mateo, Isabela kahapon ng madaling araw.
Ang nasawi ay ang tsuper ng motorsiklo na si Engr. Angelica Pason habang ang mga nasugatan ay ang mga angkas na sina Kristine Baptista at April Sagun na Residente ng Gaddanan, San Mateo, Isabela.
Ang mga biktima ay galing umano sa Barangay 1, San Mateo, Isabela at pauwi na nang mawalan ng kontrol sa manibela ng motorsiklo si Pason na nagsanhi para sumalpok ang motorsiklo sa concrete barrier sa kalsada.
Agad naman tumugon ang Rescue San Mateo subalit idineklarang dead on arrival si Pason ng kaniyang Attending Physician.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa lolo ng nasawing biktima na si Ginoong Consuelo Pason Jr. Sinabi niya na magtutungo sana sa Maynila kinabukasan ang kanyang apo para sa oathtaking nito sa Civil Engineering ngunit binawian na ito ng buhay sa aksidente.
Aniya dumalo ang mga biktima sa simbang gabi at pagkatapos ay nagtungo sa bayan para magmeryenda at pauwi na sa kanilang bahay nang mangyari ang aksidente.
Ayon kay Ginoong Pason, mabait at masunurin ang nasawing biktima na ang ina at mga kapatid ay kasalukuyang nasa ibang bansa kaya sa kanilang poder ito tumitira.