CAUAYAN CITY- Natagpuan ang isang babaeng sanggol sa gilid ng ilog na nasasakupan ng Sitio Bagbag, Barangay Poblacion, Aritao, Nueva Vizcaya.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Chief Insp. Jobberman Vides, hepe ng Aritao Police Station, isang magsasaka sa katauhan ni Gilbert Estares ng nasabing lugar ang nakakita sa sanggol.
Papauwi na umano si Estares galing sa kanyang bukid nang makarinig ng malakas na iyak at nang hanapin ay nakita ang sanggol na bagong panganak pa lamang .
Agad kunuha ng magsasaka ang sanggol at dinala sa Municipal Health Unit ng Aritao na kalaunan ay ipinasakamay sa DSWD Provincial Office sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Batay sa isinagawang pagsisiyasat ng Aritao Police Station nakilala ang ina ng sanggol na si Flora Tangilig, tatlumput pitung taong gulang, mayroong kinakasama at residente ng Poblacion, Aritao, Nueva Vizcaya.
Inihayag ni Chief Insp. Vides na tuliro anya ang ina ng sanggol dahil hindi umano ang kanyang live-in partner ang ama ng bata.
Pinag-aaralan na ng pulisya kung magsasampa ng kaukulang kaso laban sa ina ng sanggol.




