--Ads--

Aprubado at epektibo na ang panibagong water rate adjustment sa Cauayan Water District kaya asahan na ang dagdag singil sa tubig ngayong taong 2025.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Manolito Supnet, Department Manager, sinabi niya na hindi lamang ang Cauayan ang may pagbabago ng rate kundi maging ang ibang bayan na rin.

Nakatanggap aniya sila ng sulat mula sa Local Water Utilities Administration noong Dec. 18, 2024, na nagsasaad na aprubado na ang kanilang hinihiling simula pa noong 2023 na taasan ang water rate.

Tumaas ng P24.75 ang bayad kaya naging P174.75 na ang babayaran sa susunod na buwan, mas mataas na mula sa dating 150 pesos lamang na binabayaran.

--Ads--

Samantala epektibo naman sa darating na Hulyo ang P200 water rate na kokolektahin naman sa buwan ng Agosto.

Dagdag pa ni Engr. Supnet, panahon na para magkaroon ng increase dahil pang lima ang Cauayan sa may pinakamababang singil sa buong lalawigan ng Isabela, malayo aniya ang kanilang singil kung ikukumpara sa ibang bayan na P320-P350 ang water rate.

Sa ngayon naman, ang bagong water rate ay tiyak na makatutulong para mapanatili ang maayos na pasilidad na ginagamit para makapag suplay ng malinis na tubig sa 21 na barangay sa lungsod ng Cauayan.