Napanatili ng Bagyong “Crising” ang lakas nito habang kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa karagatang silangan ng Bicol Region.
Ayon sa huling ulat ng PAGASA, ang sentro ng bagyo ay namataan sa layong 535 kilometro silangan ng Juban, Sorsogon.
Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna, at pagbugso na umaabot hanggang 70 kilometro bawat oras.
Kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro bawat oras. Malawak din ang epekto nito dahil umaabot hanggang 300 kilometro mula sa gitna ang malalakas na hangin.
Dahil dito, isinailalim na sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang ilang bahagi ng Luzon. Kabilang dito ang Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Isabela, hilagang-silangang bahagi ng Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan, Dipaculao), Quirino, Kalinga, silangang bahagi ng Mountain Province (Sadanga, Barlig, Paracelis, Natonin), silangang bahagi ng Ifugao (Alfonso Lista, Aguinaldo, Mayoyao, Banaue, Hingyon, Lagawe, Lamut), hilagang-silangang bahagi ng Nueva Vizcaya (Kasibu, Quezon, Bagabag, Diadi), at Apayao.
Batay sa track at intensity outlook ng PAGASA, inaasahang magpapatuloy sa paggalaw sa direksyong hilagang-kanluran ang bagyo sa susunod na 48 oras. Posibleng mag-landfall ito sa kalupaan ng mainland Cagayan sa pagitan ng gabi ng Biyernes hanggang madaling araw ng Sabado, Hulyo 19.
Pagkatapos nito, tatawid ito sa hilagang bahagi ng Northern Luzon at inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility sa Sabado ng gabi o Linggo ng umaga, Hulyo 20.
Inaasahan ding lalakas pa si Crising habang nasa Philippine Sea. Ayon sa forecast, posibleng umabot ito sa kategoryang Tropical Storm ngayong araw at maging Severe Tropical Storm sa hapon o gabi ng Biyernes bago ito tumama sa kalupaan ng Northern Luzon.
Pinapayuhan ang publiko na patuloy na mag-monitor sa mga opisyal na abiso mula sa PAGASA o sa Bombo Radyo Cauayan Facebook page at Youtube Channel para sa mga susunod na update ukol sa bagyong Crising.











