--Ads--

Bahagyang bumagal ang Tropical Storm Jangmi subalit nananatili pa rin ang lakas nito habang patuloy na kumikilos sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Sa pinakahuling tropical cyclone advisory ng state weather bureau nitong Miyerkules ng gabi, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,245 kilometro silangan ng Eastern Visayas alas-10 ng gabi ng Mayo 27.

Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 80 km/h, habang ang central pressure nito ay nasa 1000 hPa.

Kumikilos ang Jangmi pahilagang-kanluran sa bilis na 10 km/h at inaasahang papasok sa PAR pagsapit ng Huwebes ng gabi o Biyernes ng umaga, Mayo 29.

--Ads--

Ayon sa PAGASA, inaasahang magpapatuloy ang pagkilos ng bagyo pahilagang-kanluran hanggang pahilaga habang nasa Philippine Sea.

Posible ring lumakas pa ito at maging isang ganap na bagyo o typhoon pagsapit ng Sabado, Mayo 30. Tinatayang maaabot nito ang pinakamalakas na estado sa pagitan ng Sabado at Linggo bago unti-unting humina.

Gayunman, sinabi ng PAGASA na mababa ang posibilidad na mag-landfall ito sa kalupaan ng Pilipinas.

Dahil sa paglihis ng forecast track nito pa-silangan, mas mababa rin ang posibilidad ng pagtaas ng tropical cyclone wind signals sa Extreme Northern Luzon, bagama’t hindi ito tuluyang inaalis ng mga weather forecaster.

Nagbabala rin ang PAGASA sa posibleng katamtaman hanggang maalon na karagatan sa baybayin ng Extreme Northern Luzon ngayong weekend, kung saan maaari ring magpatupad ng gale warning.

Inaasahan ding palalakasin ng bagyo ang southwest monsoon o habagat simula Sabado.