Lumakas pa ang bagyong Leon habang kasalukuyang nasa silangang karagatan ng bansa pangunahin sa silangan ng Central Luzon.
Batay sa datos na inilabas ng state weather bureau kaninang 11PM, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 915 km East ng Central Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 85 km/h at may pagbugsong aabot sa 105 km/h. Kumikilos ang bagyo pakanluran sa bilis na 20km/h.
Itinaas na sa Signal No. 1 ang eastern portion ng mainland Cagayan (Santa Ana, Lal-Lo, Gattaran, Baggao, Santa Teresita, Gonzaga, Peñablanca), eastern portion ng Isabela (Maconacon, Divilacan, Ilagan City, San Pablo, Cabagan, Tumauini, Palanan, San Mariano, Dinapigue), at northeastern portion of Catanduanes (Pandan, Bagamanoc, Panganiban, Viga).
Magpapatuloy ang pakanlurang direksyon ng bagyo sa susunod na 24 oras at bahagyang liliko pa hilagang kanluran bukas ng gabi o sa Myerkules. Muli itong liliko pa hilaga hilagang kanluran at mananatiling malayo sa Philippine landmass at maaring maglandfall o dumaan malapit sa Northern Taiwan.
Ngayong araw maaring lumakas pa ang bagyo hanggang severe tropical storm category at bukas ay maaring maabot nito ang typhoon category. Pinapaalalahanan natin ang publiko na manatiling nakaantabay sa mga susunod na updates.