Napanatili ng Tropical Depression Luis ang lakas nito habang kumikilos pahilaga sa karagatang silangan ng Aurora at patuloy na nagbabanta ng malalakas na pag-ulan at hangin sa ilang bahagi ng Hilagang Luzon.
Ayon sa PAGASA, nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 central at eastern portions ng Cagayan (Enrile, Tuguegarao City, Peñablanca, Piat, Santo Niño, Camalaniugan, Tuao, Lal-Lo, Gonzaga, Alcala, Amulung, Santa Teresita, Baggao, Buguey, Solana, Rizal, Santa Ana, Gattaran, Iguig, Lasam, Aparri, Ballesteros, Abulug, Allacapan, Pamplona), Isabela, Quirino, eastern at southern portions ng Apayao (Flora, Santa Marcela, Conner, Pudtol, Luna), eastern portion ng Kalinga (City of Tabuk, Tanudan, Pinukpuk, Rizal), eastern portion ng Mountain Province (Paracelis, Natonin), eastern portion ng Ifugao (Aguinaldo, Alfonso Lista), at ang northern portion ng Aurora (Dinalungan, Casiguran, Dilasag, Dipaculao, Baler).
Nagbabala ang ahensya na posibleng makaranas ng malalakas na pag-ulan at bugso ng hangin maging ang mga lugar na wala sa inaasahang landfall area o forecast track ng bagyo.
Inaasahang kikilos ang Luis pahilagang-kanluran at maaaring mag-landfall o dumaan malapit sa Northern Luzon ngayong gabi o bukas ng madaling araw.
Pagkaraan nito, inaasahang lilihis ang bagyo pahilagang-silangan habang papalayo sa kalupaan ng Pilipinas.
Gayunman, sinabi ng PAGASA na nananatiling hindi tiyak ang magiging galaw ng bagyo at maaari pang magbago ang forecast track nito sa mga susunod na weather bulletin.
Inaasahan ding mananatiling isang tropical depression ang Luis sa malaking bahagi ng forecast period at posibleng humina bilang isang remnant low pagsapit ng Miyerkules bago tuluyang ma-absorb ng sirkulasyon ng Tropical Cyclone Dolphin.











