--Ads--

Patuloy na minomonitor ng PAGASA ang Tropical Storm Ramil na kasalukuyang nasa West Philippine Sea.

Batay sa pinakahuling ulat ng state weather bureau, ang sentro ng Bagyong Ramil ay namataan sa layong 175 km kanluran ng Dagupan City, Pangasinan. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 65 km/h malapit sa gitna, at pagbugso ng hanggang 80 km/h. Kumikilos ito pa-timog-kanluran sa bilis na 25 km/h.

Sa kasalukuyan nakasailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 ang mga lugar sa Luzon kabilang ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, northern and western portions ng Pangasinan, Abra, at western portion ng Benguet (Bakun, Kibungan, Kapangan, Tublay, La Trinidad, Baguio City, Tuba, Sablan).

Batay sa tinatahak nitong direksyon, patuloy na kikilos ang bagyong Ramil pa-kanluran hilagang-kanluran sa bahagi ng West Philippine Sea. Inaasahan itong lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong umaga.

--Ads--

Posible namang lumakas muli ang nasabing bagyo habang nasa West Philippine Sea at inaasahang aabot sa kategoryang severe tropical storm pagkalabas nito sa PAR.

SAMANTALA dahil sa trough ng bagyong Ramil, asahan ang maulap na papawirin at moderate to heavy rains sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Cavite, Batangas, Laguna, Rizal, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, at Palawan.

Ang natitira namang bahagi ng Luzon ay makakaranas ng bahagyang maulap na papawirin na may mga isolated lamang na mga pag-ulan na epekto ng Easterlies habang ang natitirang bahagi ng bansa ay makakaranas ng bahagyang maulap na papawirin na may isolated na pag-ulan lalo na sa dakong hapon na epekto naman ng mga localized thunderstorms.