CAUAYAN CITY – Nababahala ang ilang residente sa barangay Camunatan, City of Ilagan matapos na kinatay at kinuha ang mga parte ng katawan ng isang baka na pag-aari ni Joey Guzman.
Natagpuan niya ang kanyang alaga na nagkapira-piraso na ang katawan ilang metro ang layo mula sa lugar kung saan niya ipinastol malapit sa ilog sa hangganan ng Camunatan at Malalam, City of Ilagan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Marilyn Canceran ng Camunatan, sinabi niya na hinala nila na madaling araw nang isagawa ang pagkatay sa baka.
Kinuha ng mga suspek ang mga paa at laman-loob ng baka habang iniwan ang ulo, balat at ilang buto nito.
Aniya, hindi ito kayang gawin ng iisang tao dahil may kalakihan ang baka.
May hinala sila na higit anim na tao ang kumatay sa baka.
Naniniwala si Canceran na hindi residente ng kanyang nasasakupan ang kumatay sa baka batay sa mga bakas ng mga suspek ay at patungo sa ibang barangay.
Nakikipag-ugnayan na sila sa pulisya maging sa mga kalapit na barangay para ipabatid sa kanila kung may mga nagbebenta ng karne ng baka sa kanilang lugar.
Ayon kay Barangay Kapitan Canceran, malaking kawalan kay Guzman ang pagkatay sa kanyang baka.
Sinabi pa ng punong barangay na minabuti nilang dumulog sa Bombo Radyo Cauayan upang mabigyan ng babala ang mga may alagang hayop na maging mapagmatyag para hindi mabiktima ng mga kawatan ang kanilang baka.