
CAUAYAN CITY – Isinailalim sa isang linggong Nationwide strict lockdown ang bansa dahil sa biglaang pagtaas ng mga kaso ng nagpositibo sa virus na Covid 19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Minda Salim, isang Pilipino na nasa Bangladesh, sinabi niya na noong ikadalawamput siyam ng Hunyo ay naitala sa bansa ang pinakamaraming nagpositibo sa virus sa isang araw na umabot sa 8,364 at 104 naman ang nasawi.
Sa kasalukuyan umabot na sa 896,770 ang kabuuang bilang ng nagpositibo sa bansa mula nang magsimula ang pandemya.
Kahapon, huling araw ng buwan ng Hunyo ay naitala naman ang 7,666 na kaso ng nagpositibo sa virus sa bansa.
Ayon kay Ginang Salim mababa lamang ang bilang ng naitatalang kaso ng Covid 19 sa Bangladesh ngunit nitong nakaraang mga araw ay nagkaroon ng social gatherings dahil sa Eidl Fitr.
Aniya dahil dito ay marami sa mga mamamayan ang umuwi sa kani-kanilang lugar at maaaring ito na ang naging dahilan ng biglaang pagdami ng kaso.
Pinaniniwalaan na ang virus na dumadale ngayon sa bansa ay ang Black Fungus o Delta Variant na galing sa bansang India na malapit lamang sa Bangladesh.
Matatandaang napakarami ng mga naitalang kaso ng Covid 19 sa bansang India at isa ang variant na galing dito ang naitalang mas nakakahawa at nakamamatay.
Simula ngayong araw ay ipapatupad ng pamahalaan ng Bangladesh ang Nationwide lockdown upang mapigilan ang paglabas ng mga mamamayan at macontain ang virus na kumakalat.
Tatagal ang strict lockdown hanggang ikapito ng Hulyo habang ang lockdown ay tatagal naman ng hanggang ikalabing lima ng Hulyo.
Nakadipende naman sa magiging sitwasyon sa mga kaso ng nasabing virus kung ito ay palalawigin ng pamahalaan.
Magiging istrikto ang pamahalaan sa tulong ng mga sundalo at pulis upang makontrol ang paglabas ng mga mamamayan at papayagan lamang magbukas ang mga establisimiento na maituturing na essential.










