CAUAYAN CITY – Iniimbestigahan pa ng pulisya kung may kaugnayan sa Barangay at Sangguniang Kabataang election ang pagbaril at pagpatay kaninang madaling araw sa muling kumandidato na incumbent barangay captain ng Trinidad, Mallig, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Sr.Inspector Michael Angelo Tubania, hepe ng Mallig Police Station, sinabi niya na itinawag sa kanila kaninang alas 4:58am ng isang concerned citizen ang narinig na pamamaril sa sitio Felipe sa barangay Trinidad.
Sa kanilang pagtugon ay nadatnan nila ang nakahandusay at duguang katawan ni Barangay Kapitan Bartolome Mackay, 56 anyos at may-asawa at magsasaka.
Natagpuan aniya ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pinangyarihan ng pamamaril ang ilang basyo ng M16 Armalite rifle.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo si Kapitan Mackay at iba pang bahagi ng katawan.
Ayon kay P/Sr. Inspector Tubania, bago nangyari ang pamamaril ay nakita ng ilang residente ang dalawang lalaki na tinatahulan ng mga aso.
Pagkatapos ng pamamaril ay narinig nila ang andar ng paalis na motorsiklo.
Si Kapitan Mackay ay naghain ng kandidatura para sa kanyang ikatlong termino.
Katunggali niya sa nasabing puwesto ang 1st kagawad ng kanilang barangay.
Ayon kay P/Sr. Inspector Tubania, hindi pa nila masasabi kung may kaugnayan sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) election ang pagpatay kay Kapitan Mackay dahil hindi naman mainit ang kanilang tunggalian ng kanyang kalaban.
Bukod dito ay mabait, walang nakaaway at walang natanggap na pagbabanta sa buhay ang barangay kapitan batay sa kanilang imbestigasyon.
Sinabi pa ni Tubania na walang election hotspot sa bayan ng Mallig kundi election watchlist lamang ngunit hindi kasama ang barangay na pinamumunuan ni Mackay.




