Baril at getaway vehicle na ginamit ng 2 suspek sa pagpatay sa hepe ng pulisya, hindi pa rin narerecover
CAUAYAN CITY – Nagpapatuloy ang paghahanap ng mga kasapi ng pambansang pulisya ng Pilipinas sa baril na ginamit ng mga suspek sa pagpaslang kay Police Chief Inspector Michael Angelo Tubania, hepe ng Mallig Police Station at ang ginamit na getaway vehicle ng dalawang suspek.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Chief Superintendent Jose Mario Espino, Regional Director ng Police Regional Office number 2 na hindi nagbibigay ng tamang impormasyon ang mga nadakip na dalawang suspek kaya pahirapan kaya nahihirapan sila sa pagrecover sa baril at getaway vehicle na ginamit sa krimen.
Noong nadakip anya ang mga pinaghihinalaan na sina Warren Bulawit, 19 at isang 17 anyos ay ilang oras na ang lumipas kaya nagkaroon ng pagkakataon na itago ang baril na ginamit nila sa pagpaslang sa hepe ng pulisya.
Nauna nang sinabi ni PNP Chief Oscar Albayalde, maaring paltik lamang ang ginamit ni Bulawit kung saan nilagyan na lamang ng malakas na bala.
Ayon pa kay Regional Director Espino, nasangkot sa pagnanakaw ng mga motorsiklo ang dalawang suspek ay alam nila ang gagawin at kung paano itago ang motorsiklo.
Maging ang pagsagot sa mga imbestigasyon ng pulisya ay alam nila kung papaano lituhin ang mga pulis.
Sinampahan na ng kasong murder ang dalawang suspek at bahala na anya ang isa sa kanila na patunayan sa korte na siya ay menor de edad.




