CAUAYAN CITY – Patuloy na pinaghahanap ang isang bata at isang binatilyo na tinangay ng malakas na agos ng tubig sa Ganano River sa Divisoria, Santiago City.
Ang 9 anyos na bata na si Daryl Apostol kasama sina Earl John Ulep, 15 anyos, kapwa residente ng Divisoria, Santiago City at Marlon Cariaso, 13 anyos, residente ng Dubinan, Santiago City ay nagtungo sa ilog para linisin ang kanilang mga bisikleta pagkatapos ay naligo sila sa ilog.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Station 1 ng Santiago City Police Office (SCPO), nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen dakong 9:45 ng gabi hinggil sa pagkalunod ng mga biktima.
Sa kanilang imbestigasyon ay lumabas na nagtungo sa ilog ang tatlong magkakaibigan dakong alas kuwatro ng hapon upang linisin ang kanilang mga bisikleta.
Inaya umano ni Ulep ang mga kasama na maligo sa ilog.
Unang tumalon sa tubig ang bata ngunit tinangay ng malakas na agos ng tubig.
Sinikap siyang iligtas ni Ulep ngunit tinangay din ng malakas na agos ng tubig kaya humingi ng tulong si Cariaso.
Nagtutulungan ang mga kamag-anak ng mga biktima, City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at ilang miyembro ng mga Radio Group sa paghahanap sa katawan ng dalawang biktima.





