--Ads--

‎Paiigtingin ng mga awtoridad sa lungsod ang pagpapatupad ng mga batas trapiko sa iba’t ibang pangunahing kalsada at terminal kasabay ng panawagan sa mga motorista na makiisa upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa lansangan.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Acosta Aggabao Jr., Acting Chief ng Traffic Enforcement Unit, sinabi nito na nakapuwesto ang kanilang mga tauhan sa mga strategic areas na madalas puntahan ng mga motorista kabilang ang Mabini Circle, kung saan may nakatalagang personnel 24/7 at may dalawang tauhan na naka-duty sa bawat oras.

‎Ayon pa sa opisyal, mayroon ding deployment sa isang mall katuwang ang Department of Public Order and Safety (DPOS), gayundin sa mga lugar tulad ng Malvar at Calaocan, habang ang ilang convergence roads ay minamanduhan ng iba pang police stations sa lungsod.

‎Mahigpit ding binabantayan ang mga terminal, lalo na ang pangunahing terminal ng lungsod kung saan naglagay ng police assistance center upang agad na makatugon sa pangangailangan ng mga biyahero.

‎Dagdag pa niya, nananatiling maayos ang sitwasyon sa mga binabantayang lugar at wala namang naitatalang malaking problema sa kasalukuyan.

‎Gayunman, hinimok ng opisyal ang mga motorista na sumunod sa umiiral na batas trapiko, kabilang ang pagsusuot ng helmet para sa mga nagmomotorsiklo at pagdadala ng mahahalagang dokumento tulad ng OR/CR.

‎Magpapatuloy naman ang pagpapatupad ng mga city ordinances at iba pang batas trapiko sa iba’t ibang bahagi ng lungsod bilang bahagi ng hakbang upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.