--Ads--

Umaasa ang Bayan Europe na mapapanagot si dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga kasabwat nito kaugnay sa extra judicial killings sa ilalim ng kaniyang administrasyon sa pagsisimula ng confirmation of charges ngayong araw.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bayan Europe Coordinator Kara Taggaoa, sinabi niya na matagal na nilang pinaghandaan ang pagkakataong ito simula pa noong nakaraang taon kaya naman nang kumpirmadong matutuloy na ang pre-trial hearing ay bumiyahe pa ang marami sa kanilang mga kasamaham sa Netherlands mula sa iba’t ibang bahagi ng Europa upang magbigay ng suporta sa pamilya ng mga biktima.

Kabahagi ang kanilang grupo sa tinatawag na “Bantay Katarungan Week” — ito ay isang linggong pagkilos na sinimulan kahapon sa The Hague at magpapatuloy hanggang sa matapos ang confirmation of charges ni Duterte.

Bagama’t hindi naka-biyahe ang ilan sa kanilang mga miyembro ay magsasagawa pa rin ang mga ito ng kaniya-kaniyang protesta sa kanilang mga bansang kinaroroonan.

--Ads--

Ayon kay Taggaoa, magkakaiba man ang pananaw ng mga Pilipino at marami ang nagsasagutan hinggil dito ay mainam umano na bukas ang mga Pinoy sa pakikipag-diskurso upang malaman kung ano nga ba talaga ang nangyari sa administrasyong Duterte.

Samantala, dismayado ang Duterte Panagutin Europe Network na hindi makakadalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Confirmation of Charges nito matapos pagbigyan ng International Criminal Court ang kanilang kahilingan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Patricia Enrique, Convenor ng Duterte Panagutin Europe Network, sinabi niya na mahalagang humarap ng personal si Duterte sa mga pagdinig lalo na at nagpahayag noon ang dating pangulo ng kumpiyansa na humarap sa ICC.

Nilinaw ni Enrique na ang confirmation of charges ay hindi pa arraignment subalit mahalaga ito dahil dito malalaman kung confirmed, declined o adjourned ang kasong crimes against humanity na isinampa laban kay Duterte.

Kung ito ay confirmed, ibig sabihin nito na sapat ang mga isinumiteng ebidensya para ituloy ang kaso; kung declined naman, nangangahulugan ito na hindi sapat ang ebidensya; at kapag adjourned ay bibigyan ng pagkakataon ang magkabilang panig na mag-presenta ng ebidensiya.

Kumpiyansa naman ang kanilang grupo na mako-confirm ang charges dahil naniniwala sila na may basehan ang ipinaglalaban ng mga biktima.