--Ads--

CAUAYAN CITY –Nagsagawa ng raid ang mga otoridad sa tatlong barangay sa lungsod ng Cauayan dahil sa bentahan ng binhi ng palay na ipinamahagi ng Department of Agriculture.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan Engr. Ricardo Alonzo, City Agriculture Officer, sinabi niya na nakatanggap sila ng impormasyon na ilang magsasaka sa Brgy. San Francisco, Brgy. Faustino, at Brgy. Nungnungan 1 ang bumibili ng binhi ng palay na ibinigay ng DA.

Dahil dito ay nagkasa ng raid ang mga kawani ng Department of Agriculture at PNP Cauayan City kung saan umabot sa tatlumpu’t isang sako na binhi na may tatak na S6003 ang nakumpiska na mula pa umano sa karatig bayan ng Alicia, Isabela.

Ayon kay Engr. Alonzo ang mga binhi ay binibili ng dalawang libo kada piraso.

--Ads--

Paliwanag naman umano ng mga nahuli na ang kanilang biniling binhi ay personal na gagamitin at hindi nila intensyon na ibenta pa ito sa iba.

Ipatatanggal ang mga pangalan ng mga nahuli sa listahan ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture sa loob ng isang taon at kung maulit pa ang bentahan ng binhi at abono ay mahaharap na umano sa kaukulang kaso.