--Ads--

Dumami ang bilang ng mga bumili ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) sa ilang tindahan sa Lungsod ng Cauayan nitong mga nakaraang araw kasunod ng pangamba ng mga consumer sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Robinson John Calderon, isang LPG dealer sa lungsod, sinabi nitong halos nadoble ang bilang ng kanilang mga customer kumpara sa karaniwang araw.

Ayon kay Calderon, nitong nakaraang weekend ay umabot sa humigit-kumulang 100 katao ang nagtungo sa kanilang tindahan upang makabili ng suplay ng LPG. Aniya, ang ilan sa mga mamimili ay nangangamba sa posibleng pagtaas pa ng presyo, habang ang iba naman ay natatakot na baka maubusan ng suplay.

Gayunman, tiniyak ng dealer na sapat ang suplay ng LPG sa lungsod kaya hindi na umano kailangang mag-panic buying ang publiko.

--Ads--

Dagdag pa niya, may ilang LPG brands na nagtaas na ng presyo ng tinatayang ₱2 hanggang ₱3 kada kilo, na iniuugnay sa pagtaas ng gastos sa transportasyon ng produkto papunta sa lalawigan ng Isabela. Mayroon din umanong mga lokal na LPG brands na ang planta ay nasa lalawigan na nakapagtala ng dalawang beses na pagtaas ng presyo ngayong linggo na umabot sa humigit-kumulang ₱3 hanggang ₱4 kada kilo.

Sinabi pa ni Calderon na ikinagulat din nila ang ilang biglaang price increase dahil dati ay may paunang abiso ang mga kumpanya bago magpatupad ng pagtaas ng presyo. Sa ngayon, sinabi niyang wala pang katiyakan kung magkano pa ang maaaring maging susunod na price adjustment sa LPG.

Samantala, nagsagawa na rin ng price monitoring ang lokal na pamahalaan ng Cauayan City at ang Department of Energy (DOE) upang mabantayan ang galaw ng presyo at matiyak ang sapat na suplay ng LPG sa merkado.