--Ads--

Bumagsak ng 10% ang kabuuang benta ng sasakyan sa bansa noong Enero 2026 kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon, ayon sa pinagsamang ulat ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines Inc. (CAMPI) at Truck Manufacturers Association.

Nakapagtala lamang ng 35,053 units na nabenta sa unang buwan ng taon—26% mas mababa rin kumpara sa 47,371 units noong Disyembre.

Pinakamalaki ang ibinaba ng passenger car segment na lumiit ng 20.1% sa 6,178 units. Samantala, bumaba ng 7.9% ang bentahan ng commercial vehicles na umabot sa 27,518 units.

Ayon kay CAMPI President Jose Maria Atienza, inaasahan na ang paghina ng benta matapos ang mataas na demand bago matapos ang nakaraang taon. Gayunman, may nakikitang positibong senyales sa sektor ng electric vehicles (EV).

--Ads--

Umabot sa 2,610 units ang nabentang EV noong Enero 2026—63.1% mas mataas kumpara sa 1,600 units sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Sa kabila ng mabagal na simula ng taon, nananatiling optimistiko ang grupo na maaabot ang target na 500,000 units na kabuuang benta para sa 2026. Dagdag pa ng CAMPI, kung isasaalang-alang ang seasonal adjustments, nananatiling naaayon ang performance ng Enero sa matatag na bentahan noong ikalawang kalahati ng nakaraang taon.