Nagpaalala ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa publiko kaugnay ng mas mataas na panganib ng sunog ngayong panahon ng tag-init, kasabay ng matinding init ng panahon at pagtaas ng konsumo sa kuryente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FCInsp Francis David Barcellano, City Fire Marshal, madalas na nagiging sanhi ng sunog tuwing tag-init ang pag-overheat ng mga appliances. Ipinaliwanag niya na dahil sa mainit na temperatura, mas napapadalas at mas tumatagal ang paggamit ng mga kagamitang de-kuryente gaya ng electric fan, aircon, at iba pang cooling appliances.
Aniya, kapag nagsabay-sabay ang paggamit ng mga ito lalo na kung nakasaksak lamang sa iisang outlet o gumagamit ng tinatawag na octopus wiring, tumataas ang posibilidad ng overloading. Kapag hindi kinaya ng linya ng kuryente ang bigat ng load, maaari itong mag-init, mag-spark, at tuluyang pagmulan ng sunog.
Dagdag pa ng opisyal, mahalagang tiyakin na de-kalidad at pasado sa pamantayan ang mga extension cord at iwasan ang mga lumang o sirang wiring na maaari ring magdulot ng short circuit. Mas mainam din umano na ipasuri ang electrical connections ng bahay kung napapansin ang madalas na pag-trip ng breaker o pag-init ng mga saksakan.
Bukod sa electrical-related fires, binigyang-diin din ni Barcellano ang panganib ng mga naiwan o hindi tuluyang naapulang pinaglutuan at pinagsunugan sa mga bakuran. Kapag pinabayaan ang mga ito, lalo na kung tuyo ang damo at malakas ang hangin, mabilis umanong kakalat ang apoy at maaaring umabot sa mga kabahayan.
Dahil dito, mahigpit ang paalala ng BFP sa publiko na maging responsable sa paggamit ng kuryente at siguraduhing maayos na napapatay ang anumang apoy bago iwan ang tahanan. Hinihikayat din ang mga residente na magkaroon ng fire extinguisher sa bahay at alamin ang basic fire safety measures upang makaiwas sa mas malaking pinsala.
Patuloy naman ang ginagawang information drive at inspeksyon ng BFP sa mga komunidad bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa sunog ngayong tag-init.











