Mas mapapabilis at mas magiging episyente ang isinasagawang building inspection ng Bureau of Fire Protection Cauayan makaraang dumating ang karagdagang`12 body-worn cameras sa kanilang tanggapan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FO1 Riza Sagario, ang Public Information Officer ng BFP Cauayan, sinabi nito na malaking tulong ang nasabing kagamitan upang mas mapalakas ang monitoring at dokumentasyon ng kanilang mga operasyon. Aniya, mula sa dating anim na body-worn cameras ay nadagdagan ito ng 12, dahilan upang mas marami na sa kanilang mga tauhan, kabilang ang fire marshal, ang makagamit nito sa pagsasagawa ng inspeksyon.
Ipinaliwanag ni FO1 Sagario na makatutulong ang mga bagong kagamitan upang mas maging maayos ang pag-iinspeksyon sa mga establisimyento, partikular sa pagsuri ng fire extinguishers at iba pang fire safety measures sa mga gusali at business establishments sa lungsod.
Dagdag pa nito, kasalukuyan pang pinag-aaralan ng kanilang tanggapan kung paano maipamamahagi nang maayos ang mga body-worn cameras upang matiyak na magagamit ito sa pinakaepektibong paraan. I
sa rin sa tinututukan ngayon ng ahensya ang pagpapalawak ng storage capacity ng mga nasabing kagamitan matapos maranasan noon ang limitasyon sa storage, lalo na’t kinakailangang tuloy-tuloy ang pagre-record alinsunod sa direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa mas maayos na dokumentasyon ng operasyon.
Tiniyak naman ng BFP Cauayan na sa tulong ng mga bagong kagamitan ay mas mapapalakas pa ang pagpapatupad ng fire safety inspection sa lungsod, bilang bahagi ng kanilang mandato na mapanatili ang kaligtasan ng publiko laban sa sunog.











