Nagpaalala ang Cauayan City Fire Station sa mga residenteng binaha o nabasa ang mga appliances sa kasagsagan ng Bagyong Nika na ipasuri muna ito sa mga certified technician bago gamitin.
Kasunod ito ng pagbabalik ng mga nagsilikas na residente sa kani-kanilang tahanan kasabay ng paunti unting paghupa ng baha.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Officer 1 Dennis John Deundo ng Cauayan City Fire Station, sinabi nito na huwag munang gamitin ang nabaha o nabasang gamit dahil sa maari itong pagmulan ng sunog.
Aniya, delikado kung agad na gagamitin ang mga electronic Appliances matapos mababad sa tubig-baha o mabasa ng ulan.
Marapat aniya na ipasuri muna ito sa mga lehitimong technician nang sa ganoon ay matiyak na ligtas itong gamitin.
Samantala, handa na rin ang Cauayan City Fire Station na magsagawa ng flushing sa mga kalsada na may makakapal na putik na iniwan ng pananalasa ng Bagyong Nika.
Ayon kay SFO1 Dennis Deundo, kung sakaling humupa na ang baha ay isasagawa na nila ang flushing lalo na sa mga tulay gaya ng Alicaocao bridge na may makakapal na putik sa kalsada
Sa ganitong paraan ay masisiguro ang kaligtasan ng mga motorista habang nagmamaneho.