--Ads--

Nagpaalala ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa publiko na maging maingat at sumunod sa fire safety rules ngayong papalapit ang pasko at bagong taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SF03 Benjamin L. Amistad Jr., Chief ng Fire Safety Enforcement Section, patuloy ang Oplan Paalala ng BFP upang ipaalala sa publiko ang mga dapat gawin para sa ligtas na selebrasyon. Isinasagawa ang information drive sa iba’t ibang munisipalidad sa lalawigan.

Mahigpit na ipinatutupad ng BFP ang Fire Code of the Philippines, lalo na sa mga nagbebenta ng paputok. Ang mga LGU ang nagtatakda ng mga lugar ng bentahan, na dapat malayo sa mga gusali, kalsada, at establisyimentong may flammable materials, na may distansyang 15.2 hanggang 91.5 metro.

Pinapayagan lamang ang pagbebenta ng firecrackers mula Disyembre 15 hanggang 31, at nagsasagawa ang BFP ng inspeksyon upang matiyak na walang ipinagbabawal na paputok gaya ng five star, atomic bomb, pla-pla, at mga unlabeled firecrackers alinsunod sa RA 7183.

--Ads--

Ang mga lalabag ay maaaring pagmultahin ng ₱20,000 hanggang ₱30,000, o makulong ng anim na buwan hanggang isang taon, o parehong parusa.ml

Pinaalalahanan din ang publiko na gumamit lamang ng Christmas lights na may PS mark, huwag iwanang nakasaksak ang mga ito, at sumunod sa Executive Order No. 28 na naglilimita sa paggamit ng paputok sa mga itinalagang lugar.