--Ads--

Sinabi ng lead defense counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman na inaasahan na nila ang naging desisyon ng International Criminal Court (ICC) na panindigan ang hurisdiksyon nito sa kasong crimes against humanity laban sa dating Pangulo.

Ito ay matapos ibasura ng Appeals Chamber ng ICC ang apat na argumentong layong kuwestiyunin ang kapangyarihan ng korte sa kaso.

Ayon kay Kaufman, pinaalalahanan na niya noon si Duterte na huwag umasa sa magiging paborableng desisyon. Dagdag niya, nakita na niya ang posibleng direksyon ng pasya ng korte dahil sa umano’y “krisis” na kinakaharap nito, kabilang ang banta ng sanctions mula sa Estados Unidos at mga isyung kinakaharap ng Chief Prosecutor na si Karim Khan.

Giit pa ng abogado, si Duterte umano ang “big catch” ng ICC kaya hindi inaasahan na basta na lamang ito pakakawalan ng korte.

--Ads--

Bagama’t natalo sa usaping hurisdiksyon, umaasa pa rin ang depensa na maaaring ibasura ng Pre-Trial Chamber I ang mga kaso laban sa dating Pangulo. Ayon kay Kaufman, gagamitin nila ang mga nakitang kahinaan sa ebidensya upang itulak ang posibleng acquittal.

Sa ngayon, inaasahang maglalabas ng desisyon ang ICC kung itutuloy ang pagdinig sa kasong crimes against humanity laban kay Duterte bago ang itinakdang deadline sa Abril 28.