Ikinukonsidera ngayon ng Santiago City Police Office ang pagpapatupad ng bike patrol at mas pinalakas na foot patrol bilang alternatibong paraan ng pagpapatrolya sa lungsod.
Ito ay kasunod ng epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina na ginagamit sa kanilang mga pulis na sasakyan.
Sa panayam ng Bombo Radio Cauayan kay PLt. Col. Saturnino Soriano, sinabi nito na naghahanap ang kanilang tanggapan ng mga paraan upang makatipid sa konsumo ng fuel habang patuloy na napapanatili ang presensya ng pulisya sa komunidad.
Ayon sa opisyal, isa sa kanilang nakikitang solusyon ay ang paggamit ng bisikleta sa pagpapatrolya, bukod sa motorciklo at foot patrol, na maaaring makatulong upang mabawasan ang gastos sa gasolina.
Dagdag pa ni Lt. Col. Soriano, pinag-aaralan ng kanilang operations unit kung paano maipapatupad ang bike patrol, kabilang ang tamang deployment ng mga pulis sa iba’t ibang lugar sa lungsod.
Aniya, posibleng maglabas ang memorandum para sa implementasyon nito depende sa magiging direktiba ng city director ng kapulisan sa lungsod.











