--Ads--

CAUAYAN CITY – Nadagdagan pa ang mga bayan sa Isabela na apektado ng African Swine Fever o ASF.

Sa ngayon ay tatlong bayan na sa Isabela ang apektado ng ASF na kinabibilangan ng bayan ng Angadanan, San Guillermo at San Manuel.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Belina Barboza, Provincial Veterinary Officer ng Isabela sinabi niya na maliban dito ay nadagdagan din ang mga barangay sa Angadanan na nakapagtala ng kaso ng sakit na dating tatlong barangay ay lima na ngayon habang sa San Guillermo ay nadagdagan din ng isang barangay.

Sa Angadanan ay nakapagcull sila ng dalawamput walong baboy sa dalawang barangay na naidagdag sa listahan ng may kaso ng nasabing sakit.

--Ads--

Nagpadala naman ng samples ang bayan ng San Manuel dahil sa pagkamatay ng ilang baboy sa kanilang nasasakupan at nagpositibo ang mga ito sa ASF kaya agad nagsagawa ng culling ang Provincial Veterinary Office.

Sa ngayon ay aabot na sa 104 na baboy ang na-cull ng PVET sa siyam na barangay na apektado sa Isabela.

Umabot kasi sa sampung baboy ang kanilang na-cull sa Sanjat West, San Manuel Isabela at dahil dito ay mas nilawakan na nila ang surveillance area.

10 Kilometer na ngayon ang radius ng kanilang surveillance upang mas ma-contain ang virus sa lugar.

Ibig sabihin nito ay mas maraming lugar ang kanilang kukuhanan ng blood samples upang matiyak na ang mga baboy sa nasabing radius ay hindi apektado ng sakit.

Kahit wala pang senyales ng sakit sa mga lugar na nasa radius ay kukuhanan pa rin sila ng sample upang matiyak na walang ASF.

Mas malawak na ang surveillance kaya mas maraming lugar din ang kailangan nilang ikutan para sa blood sampling sa mga alagang baboy.

Ayon kay Dr. Barboza mataas pa rin ang fatality rate ng sakit bagamat may mga baboy na matagal bago mamatay dahil na rin sa kanilang mataas na resistensya ngunit kalaunan ay mamamatay rin ang mga ito.

Pinayuhan niya ang mga hograisers na mas higpitan pa ang biosecurity upang makaiwas na mahawaan sa sakit ang kanilang mga alaga.