Umabot na sa isang bilyon ang kabuuang bilang ng mga bisitang nakapasok sa Disneyland Resort sa Anaheim, California, halos 70 taon matapos itong buksan ni Walt Disney noong 1955.
Bilang pagkilala sa makasaysayang tagumpay na ito, pinili ang 11-anyos na si Andres Robles mula Arizona at ang kanyang mga magulang na sina Alejandra at Jose bilang honorary billionth guests ng sikat na theme park.
Ayon sa Disney Parks Blog, bumisita ang pamilyang Robles sa Disneyland bilang bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan ni Andres. Nakibahagi rin sila sa seremonya ng paglalahad ng bagong karatula na nagpapakita na umabot na sa 1,000,000,000 ang “populasyon” o kabuuang bilang ng mga naging bisita ng Disneyland.
Dumalo rin sa nasabing okasyon ang mga tanyag na karakter ng Disney na sina Mickey Mouse, Minnie Mouse, Donald Duck at Daisy Duck.
Bukod dito, pinagkalooban ang pamilya ng isang VIP guided tour sa Disneyland, kabilang ang pagbisita sa pribadong apartment ni Walt Disney at eksklusibong preview ng bagong atraksyong “Soarin’ Across America.”
Itinuturing na makasaysayan ang Disneyland dahil ito ang kauna-unahang Disney theme park at isa sa mga naging daan sa pag-usbong ng industriya ng theme parks sa Estados Unidos. Sa kasalukuyan, mayroon nang mga Disney park sa iba’t ibang bahagi ng mundo kabilang ang Orlando, Paris at Tokyo.





