CAUAYAN CITY- Inaresto ng mga kasapi ng Bambang Police Station ang isang binata na number 2 most wanted person provincial level sa Brgy. Calaocan, Bambang, Nueva Vizcaya.
Ang inaresto ay si Byron Lampa, 24 anyos,binata, self-employed at residente ng Banggot, Bambang, Nueva Vizcaya.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Bambang Police Station, inaresto ang suspek ng mga kasapi ng Bambang Police Station sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Cicero Jandoc, Presiding Judge ng RTC Branch 29, Bayombong, Nueva Vizcaya dahil sa kaso niyang robbery.
Makakalaya lamang pansamantala si Lampa kapag naglagak ng piyansang Php100,000.00.
Ang suspek ay nasa pag-iingat na ng Bambang Police Station para sa dokumentasyon bago ipasakamay sa court of origin.