--Ads--

Patay ang isang lalake matapos na sumalpok ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang pampasaherong Bus, sa Barangay San Fermin, Cauayan City.

Ang nasawi ay si Jaylord Esposo, dalawamput isang taong gulang na residente ng Barangay  Marabulig 1, Cauayan City habang ang driver ng Bus ay si Fredieson Unday, apatnaput pitong taong gulang na residente ng San Francisco Ipil, Gonzaga, Cagayan.

Sa naging pagsisiyasat ng Cauayan City Police station napag alaman na na kapwa binabagtas ng motorsiklo at bus ang pambansang lansangan patungo sa Timog na direksyon.

Pagdating  sa pinangyarihan ng insidente ay nag overtake umano ang biktima sa sinusundan nitong bus subalit dahil may motorsiklo sa kanang linya  ay iniwasan niya ito subalit sumalpok sa sinusundang bus.

--Ads--

Dahil sa lakas ng pagkakabanga ay pumailalim ang biktima sa bus at nagtamo ng malubhang sugat sa katawan.

Dinala naman siya sa pinakamalapit na pagamutan subalit idineklarang dead on arrival.

Ayon sa pulisya mabilis ang patakbo ng biktima at ng akmang mag oover take ay nabulaga siya sa isa pang motorsiklo kaya sinubukan niya itong iwasan subalit bumangga at pumailalim ito sa bus.

Hindi naman lasing sa alak ang biktima nang mangyari ang aksidente.

Natuklasan naman ng Pulisya na walang preno sa likod ang motorsiklong ginamit ng biktima.

Samantala ayon sa ama ng biktima na si Joey Esposo na bago ang aksidente ay nagtungo ang anak sa Barangay San Francisco, Cauayan City.

Umalis umano ang bayaw ng biktima para bumili ng gatas at sumunod ang biktima gamit ang motorsiklo.

Nang makarating sa poblacion ay humiwalay na umano ito, nagawa pa nitong kumain  ng lugaw at papauwi na sana nang maaksidente .

Sa ngayon ay kapwa nasa pangangalaga na ng PNP ang bus at motorsiklo, habang nakalagak naman ang labi ng biktima sa kanilang bahay sa Barangay Marabulig 1.