--Ads--

CAUAYAN CITY- Nasawi ang isang binatilyo matapos malunod habang nag pipicnic sa ilog na sakop ng Purok 7, Barangay Sisim Alto, Tumauini, Isabela.

Ang biktima ay isang 13-anyos, Grade 7 student, at residente ng Brgy Lingaling sa kaparehong bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj Melchor Aggabao, Hepe ng Tumauini Police Station, sinabi niya na 1:50 ng hapon ng matanggap nila ang ulat sa insidente.

Batay sa kanilang inisyal na pagsisiyasat, bandang alas-9:00 ng umaga kahapon ay nagtungo sa ilog para magpicnic ang biktima kasama ang tatlo nitong mga kaibigan na pawang mga menor de edad.

--Ads--

Napag alaman na ang biktima ay nadulas sa gilid ng ilog dahilan para mahulog ito, nagawa pa umano ng biktima na mahila ang paa ng isa sa kaniyang kaibigan kaya dalawa silang nahulog sa ilog.

Sumaklolo naman aniya ang iba sa mga kasamahan at naiahon ang biktima subalit muli umano itong nadulas at nahulog.

Dahil malabo na ang tubig ay nabigo na umano sila na makita ito kaya nagpasya ang mga bata na humingi ng tulong kay Ginoong Ruben Lucas na isang diver.

Nagawang marekober ang biktima subalit idineklarang dead on arrival sa pagamutan.

Hindi aniya ito ang unang beses na may nalunod sa lugar dahil may ganitong insidente naring naitala noon.

Dahil sa insidente ay pinag-aaralan nilang maki pag ugnayan na sa Barangay para makapaglagay na ng magbabantay sa ilog para maiwasan na ang ganitong pangyayari lalo at nalalapit na ang mahal na araw.

Pinaalalahanan din ang mga magulang na hanggat maaari ay huwag sanang pahintulutan ang mga anak na menor de edad na magtungo sa ilog dahil lubhang delikado.