Isang binatilyong rider ang idineklarang dead on arrival matapos bumangga sa dalawang sasakyan sa Barangay Suso, Sta. Maria, Ilocos Sur.
Kinilala ang biktima bilang isang 15-anyos na residente ng Cabaroan, Sta. Maria, na nagmamaneho ng isang Yamaha Aerox motorcycle nang mangyari ang aksidente.
Ang isang sangkot na sasakyan, isang puting Foton Traveller van, ay minamaneho ni Renante Batinggal Bolanio, 47-anyos mula Fairview, Quezon City. Samantala, ang isang HOWO 16-wheeler truck ay minamaneho ni Charles Butangen Camil, 39-anyos, isang company driver mula Baguio City, Benguet.
Ayon sa imbestigasyon, parehong patungong hilaga ang van at motorsiklo nang subukang mag-overtake ng binatilyo sa kaliwang bahagi ng kalsada. Sa kasamaang-palad, sumalpok ito nang harapan sa van. Dahil dito, nawalan siya ng kontrol sa manibela at bumangga sa isang nakaparadang truck sa kaliwang shoulder lane.
Dahil sa matinding pinsala sa ulo, agad siyang isinugod sa ospital ngunit binawian ng buhay.
Walang nasaktan sa driver at mga pasahero ng van, pati na rin sa driver ng truck.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Sta. Maria Police Station ang mga sasakyang sangkot sa insidente para sa karagdagang imbestigasyon.