Dumalo ang P-pop girl group na BINI sa Women in Music awards night ng Billboard Philippines bago ang kanilang pag-alis patungong Coachella Music Festival ngayong linggo.
Tinanggap ng grupo ang Powerhouse award na iniabot ng kapwa P-pop group na Alamat. Sa kanilang talumpati, ibinahagi ng lider na si Jhoanna Robles na mas naunawaan nila ang kahulugan ng parangal, lalo na sa kabila ng mga pagkakataong nagdududa sila sa kanilang sarili.
Ayon sa kanya, ang tagumpay ay hindi nasusukat sa dami ng numero o tagahanga kundi sa pagiging consistent, patuloy na pagsisikap, at paninindigan lalo na bilang mga babae sa industriya ng musika.
Tatlong magkakasunod na taon nang kinikilala ang grupo ng Billboard Philippines: Rising Star of the Year noong 2024, Women of the Year noong 2025, at ngayong 2026 bilang Powerhouse honorees.
Nakatakdang magtanghal ang BINI sa Coachella sa Abril 10 at 17.







