Inanunsyo ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Charlito Martin R. Mendoza na inihahanda na ng ahensya ang patakaran para alisin ang Value-Added Tax (VAT) sa allowable system loss charge sa mga bill sa kuryente, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magbigay ng agarang ginhawa sa mga konsyumer.
Ilalabas ng BIR ang kaukulang Revenue Memorandum Circular 15 araw matapos mailathala ang Energy Regulatory Commission (ERC) Resolution No. 26, Series of 2026, na pormal na nag-uuri sa system loss charge bilang government-mandated pass-through cost.
Ayon kay Mendoza, hindi dapat sinisingil ng VAT ang mga konsyumer para sa kuryenteng hindi naman aktuwal na nakararating sa kanilang mga tahanan o negosyo. Aniya, ang pass-through charge ay halagang kinokolekta at ipinapasa lamang sa kinauukulang entidad kaya ang pagtanggal ng VAT dito ay inaasahang magpapababa sa singil sa kuryente.
Sa ilalim ng naturang ERC resolution, ang allowable system loss ay itinuturing na nabawing gastos at hindi kita ng mga generation company, National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), at distribution utility.
Binigyang-diin ni Mendoza na ang hakbang ay naaayon sa panuntunan ni Finance Secretary Frederick Go na ipatupad ang mga repormang may agarang epekto at benepisyo sa publiko.
Ang nakatakdang patakaran ay kasunod ng Revenue Memorandum Circular No. 60-2026 na inilabas noong Hunyo, kung saan inalis din ang output VAT at creditable withholding tax sa iba pang government-mandated charges, kabilang ang Lifeline Subsidy at Green Energy Auction Allowance.





