Nagpatotoo ang isang opisyal ng Bureau of Internal Revenue o BIR sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na tumanggap ito ng compensation income mula sa Davao City government noong 2023, batay sa isinumiteng income at tax records.
Sa ika-36 na araw ng impeachment trial, iniharap ni BIR Commissioner Chief of Staff Anne Loraine Garcia-Marquez ang BIR Form 2316 o taunang income at tax report ni Duterte para sa taxable year 2023.
Ayon kay Garcia-Marquez, nakasaad sa dokumento na ang employer ng Bise Presidente ay ang City Government of Davao at tumanggap siya ng compensation income mula rito noong 2023.
Sinabi rin ng testigo na pirmado ang dokumento ng Davao City accountant na si Vengeline Bahan at ni Vice President Duterte bilang empleyado.
Nang tanungin ng private prosecutor kung ano ang ipinapakita ng naturang dokumento, sinabi ng testigo na malinaw na tumanggap ng compensation income si Duterte mula sa Davao City government sa nasabing taon.
Tinangka ring tanungin ng prosekusyon kung bakit tumanggap ng compensation ang Bise Presidente mula sa Davao City habang nasa pambansang posisyon, ngunit tinutulan ito ng depensa dahil hindi umano saklaw ng testigo ang pagbibigay ng interpretasyon sa naturang usapin.
Kasunod nito, binasa sa pagdinig ang ilang probisyon ng Konstitusyon na nagsasaad na hindi maaaring humawak ng ibang posisyon o tumanggap ng iba pang emolument mula sa pamahalaan ang Pangulo at Pangalawang Pangulo habang nasa kanilang termino.
Bahagi ang presentasyon ng dokumento sa mga ebidensiyang inihaharap ng prosekusyon kaugnay ng Article 2 ng impeachment complaint laban kay Duterte, na may kaugnayan sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman at mga isyung may kinalaman sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.











