Nakahanda ang Bureau of Jail and Management Penology (BJMP) sa posibleng panganib na dulot ng mainit na panahon ngayong ramdam na ng mga Persons Deprived of Liberty’s (PDLs) ang maalinsangang panahon.
Ayon kay Senior Jail Officer 3 Joseph Bautista, Officer in Charge ng BJMP Cauayan na sa kabila ng mainit na panahon ay nasa maayos pa rin namang kalagayan ang mga PDLs.
Nirerekomenda aniya sa BJMP na maligo ang mga PDLs ng tatlong beses sa isang araw kung ito ay kinakailangan.
Bukod dito ay hindi rin decongested ang mga selda dahil 30-35 na PDLs lamang ang nasa isang selda kahit pa man 50 na PDLs ang maximum nito.
Mayroon din aniyang 10 electric fan sa bawat selda at sapat pa naman ito sa pangangailangan ng mga PDLs.
Gayon pa man ay nakahanda naman silang magdagdag ng electricfan kung kinakailangan at inaabisuhan rin ang mga kapamilya ng PDLs na magdala upang matulungan ang ilan pang PDLs.
Bagaman wala pa namang mga nakaranas ng pagkahilo o heat stroke sa mga nasa loob ng BJMP ay nakahanda naman aniya ang mga nurse upang bantayan ang kalusugan ng bawat isa sa loob lalo na at mayroong isang indibidwal ang nagkaroon ng chicken pox dahil na rin sa init ng panahon.
Inabisuhan pa ng City Jail ang mga PDLs na lumabas sa kanilang selda simula sa oras ng alas 11 ng umaga dahil dito nagsisimula ang matinding init ng panahon.