Mahigpit ngayong tinututukan ng hanay ng BJMP Cauayan ang kalagayang pangkalusugan ng mga inmates sa loob ng piitan, lalo na sa gitna ng nararanasang matinding init ng panahon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jail Chief Inspector Susan Encarnacion, District Jail Warden ng BJMP Cauayan, sinabi niya na ito ay alinsunod sa direktiba mula sa kanilang Regional Office na nagsasaad ng regular na pag-monitor sa kondisyon ng mga Persons Deprived of Liberty o PDLs.
Isa sa mga pangunahing tinitignan ay ang bilang ng mga inmates sa bawat selda upang matiyak na hindi ito siksikan. Sa ngayon, sinabi ng opisyal na wala namang naitatalang congestion sa kanilang pasilidad, at maayos din ang ventilation system.
Tinatayang nasa mahigitisang daan o humigit-kumulang 104 na PDLs ang kasalukuyang nasa kanilang pangangalaga.
Dagdag pa rito, hinihikayat ng pamunuan ang mga inmates na maligo ng hindi bababa sa dalawang beses kada araw at sinisigurong may sapat na supply ng tubig lalo na ang maiinom upang makatulong sa pag-ibsan ng init na kanilang nararamdaman.










